#2. Ang Tawag ng Facebook
Kasalanan ng Facebook kung bakit ako laging puyat. Kasalanan nito kung bakit ako laging nahuhuli sa pagpasa ng trabaho. Kasalanan nito kung bakit ako hindi masaya. Sa hitsura ko, sa hitsura ng tirahan ko. Sa hitsura ng mga gamit ko. Kung hindi na lang sana ako nakiuso at sumali sa social networking, e di hindi ako nagngingitngit araw-araw sa online talambuhay ng mga kaibigan (tunay man o sa fb lang) na nagpapaligsahan ng 'who is more masaya?', 'who is more mayaman?' , at 'who is more maganda?'.
Mahirap sumali sa paligsahan na alam mong talo ka. Unang-una, iisang daan lang ang kaibigan ko, kumpara sa ibang tao na kasindami ng buong populasyon ng QC ang friends, kahit lampas sa kalahati nito ang ni hindi pa niya nakakausap o nakakaharap nang personal. Sa isang libong kaibigan, may siguradong isang daan na mauutong mag-like ng makailang ulit mong pagpalit ng profile picture sa isang buwan. Kahit hindi ka naman talaga maganda. Lalo na kung tatanggalin ang isang kilong makeup na kinulapol sa mukha. O tatanggalin ang filter na bumura sa pores mo na parang mga crater ng buwan.
Hindi malakas ang loob ko na mag-post ng profile picture na kita ang mukha ko. Kapag tinitingnan ko ang sarili ko sa salamin, hindi naman sumasakit ang tiyan ko, pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, lagi akong pangit sa litrato (siguro ang kabaligtaran nito ay iyong mga tao na cute sa litrato pero nakakatakyut sa personal). Kaya ako nakatalikod sa profile pic ko. Full body shot na nakatayo sa batuhan at nakatanaw sa kumukulong dagat sa paanan ko (pinag-iisipan kung tatalon ba o hindi).
Kung hindi ko maipagmamalaki ang hitsura ko sa profile picture, e di mas lalong wala akong maibalita tungkol sa buhay ko. Alanganin naman kung ilalagay ko sa status update kung saang parte ng bahay ako naglilinis. O kung pipiktyuran ko ang niluto kong adobong pusit. Mabuti pa ang iba riyan, kung saan-saan nakakarating. Wala pa akong napupuntahang bago ngayong taon bukod sa Fisher Mall sa Quezon Avenue. Sa palagay ko hindi karapat-dapat na mag-post ng litrato ng mga matatandang nagzuzumba at ballroom dancing, kahit nakakatuwa silang panoorin. Baka isipin pa ng mga kapit-facebook na bakya ako.
Kahit alam kong tumataas-baba lang ang kilay ko sa kahambugan ng ilan sa mga fb friends na kung mag-post tungkol sa sarili akala mo kung sino silang pinagpala ng Poong Maykapal, hindi ko pa rin mapigilang magsayang ng panahon sa katitingin sa isang kilometrong newsfeed araw-araw. Pakialam ko ba kung nagpakulay ka naman ng buhok mo? Pakialam ko ba kung gaano kaganda ang bahay mo? At bakit kailangan mong kunan ng litrato ang mesa bago ka kumain at matapos kang lumafang?
Pero sige pa rin naman ako sa kauusyoso sa buhay ng mga kaibigang sa litrato ko lang nakikita at sa pamamagitan lang ng pagtipak sa keyboard nakakausap. Ano pa nga ba, e di mapupuyat na naman ako. **Like**